mula sa baul ng mga nilimot na talata 3

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula. Alam mo namang mabagal ako magsulat. Ayoko na. Pakiramdam ko lumipas na naman na lahat ng gusto ko sabihin dahil nalunod na ng luha ko. Ewan. Iyakin talaga ako, kunyari lang hindi. Ayokong pumunta kahit saan. Wala akong pupuntahan. Kahit dito sa kinatatayuan ko, ayoko dito. Nakakapagod na. Alam ko matagal ko nang sinasabi yon pero wala akong magawa. Masokista ata ako. Ano nga ba ang pinagkaiba ko sa kanila? Isa lang naman yon. Kinukundisyon ko lang ang sarili ko para hindi na umasa pa na may patutunguhan ang buhay ko. Wala akong pupuntahan. Ayokong magkaroon. Ayokong umasa na magkakaroon pa. Naramdaman mo na ba yon? Na parang sa pakiramdam mo ilang sandali na lang ay pipitik ka na? Mapuputol na ang mitsa, babagsak na ang bomba, kakawala na ang lahat. Parang dikeng unti-unting nabibitak hanggang sa bumigay nang bigla dahil sa isang patak na dagdag. Parang lobong pinalaki nang pinalaki sa pag-ihip, na sa isang bulong mo lang ay puputok na at sasambulat na ang lahat sa kawalan. Sa isang kisap-mata, wala na. Ilang beses na akong nagawi doon, at hindi rin lang minsan ko naisip nang malalim kung anong sarap ng magiging pakiramdam marahil kung bibigay ako. Kung papakawalan ko ang tubig. Kung papalayain ko ang hangin. Kung bibitaw na lang ako sa aking matinding pagkakakapit sa estribo ng katinuan, at papatihulog na lang ng kusa, mabilis na dahan-dahan sa bangin na walang kasinlalim. Kung sa isang kurap lang ay maglalaho na ako nang hindi ko nalalaman at hindi ko nararamdaman na ito na, sumapit na bigla ang tuldok. Anong sarap sigurong pumitik. Isang beses ka lang pipitik ng ganun sa buong buhay mo, at mararamdaman mo sa sandaling iyon ang tunay na kalayaan. Hindi ka man makakaasa na tatagal ang pakiramdam ng kalayaan, alam mo naman sa loob-loob mo na sa sandaling ito, kahit na ba sa kahuli-hulihang sandali ng iyong buhay at kamalayan, naramdaman mo minsan ang maging malaya. Naramdaman mo ang damdamin ng higit pa sa paglipad dahil sa sandaling iyon, hindi ang hangin ang umaakay sa iyo kundi ang hangin ay ikaw. Na maranasan mo ang magkaroon ng kamalayan ng ulan, hindi lamang sa pagpatak nito sa iyong mukha lubos at higit pa ay ikaw ang patak na papakawala sa mga ulap at unti-unting didilig sa lupa upang bumuo ng mga munting ilog at dagat. Malaya ka na kahit sa isang pinakamaikli ngunit pinakamatamis na sandali sa iyong kaluluwa. Sa sandaling iyon malamang mabubunyag ang lahat. Malalaman mo ang higit pa sa katotohanan, sa halip ay ikaw ang makabubuo nito dahil sa sandaling iyon walang hindi magiging totoo. Walang hindi magiging ikaw. Hindi mo na dapat isipin ang tama at mali dahil sa pagpitik mo sa sandaling iyon, babakas sa iyo ang lahat, magkakatugma ang lahat, magkakaroon ng talaga maski na ang pinakamaliit na butil ng alikabok na kanina lang ay nasa talampakan mo. Hindi totoo yon nang sabihin nila na makikita mo sa sandaling iyon ang buhay mo dadaan sa iyong paningin. Bakit? Dahil walang panahon. Walang panahon sa sandali ng iyong pagpitik. Hindi buhay mo ang makikita mo sa isang iglap dahil ang buhay mo ay magsisimula pa lamang sa sandaling bibitaw ka sa mundo. Mumulat ang iyong katauhan sa buhay ng lahat, sa buhay bilang kabuuan. At walang panahon na maikakaila mo pa ang iyong sarili sa mga butil ng kidnap na pipilandit mula sa iyong kamalayan sa loob ng isang saglit.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s