dalawa hango kay elynia mabanglo

Hindi Mo Kilala Ang Kalupitang Ito

Hindi mo kilala ang kalupitang ito:
Ang alalahanin ka saglit-saglit,
Ianyong muli’t muli ang larawan mo sa isip;
Bulay-bulayin ang iyong tinig
Na wari’y wala nang ibang narinig;
Sukat-sukatin ang hindi madalumat
Na kalayuan ng kalaputan mong tunguhin ng sikap.
Naroon ka nga,
Abot-kamay, abot-puso,
Ngunit kaylayo –
At habang inaabot,
Palayong bumubugso,
Naiiwan akong nanlulumo.

Batong di maagnas ng samo ang dibdib mo,
May balat kang di malamuyot ng hipo –
Ay, hindi mo nga kilala ang kalupitang ito.


***

Kung Ibig Mo Akong Makilala

Kung ibig mo akong makilala,
Lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat,
Ang titig kong dagat—
Yumayapos nang mahigpit sa bawat saglit
Ng kahapon ko’t bukas.

Kung ibig mo akong makilala
Sunduin mo ako sa himlayang dilim
At sa madlang pagsukol ng inunang hilahil,
Ibangon ako at saka palayain.

Isang pag-ibig na lipos ng lingap,
Tahanang malaya sa pangamba at sumbat
May suhay ng tuwa’t ang kaluwalhatia’y
Walang takda—
Ialay mo lahat ito sa akin
Kung mahal mo ako’t ibig kilalanin.

Kung ibig mo akong kilalanin,
Sisirin mo ako hanggang buto,
Liparin mo ako hanggang utak,
Umilanlang ka hanggang kaluluwa—
Hubad ako roon: mula ulo hanggang paa.


– kundi man maging dalawa sa pinaka-kakalat na mga tulang Filipino sa Internet at sa mga blog, naaalala ko pa noong una naming nabasa si elynia sa isang klase sa UP. walang kapantay ang lalim ng kanyang mga salita, nakapgtataka kung minsan kung ano ang pakiramdam ng mahalin at magmahal ng tulad ng nakalawaran sa kanyang mga tula.

Advertisements

One thought on “dalawa hango kay elynia mabanglo

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s